Categories
September 2020

Letters to Malaya

𝐋𝐄𝐓𝐓𝐄𝐑𝐒 π“πŽ πŒπ€π‹π€π˜π€. ni Angelo Aurigue

November 26, 1972

Mahal,

Sorry kung hindi tayo makapagkita nang madalas. Hatid sundo kasi ako ni daddy ngayon. Hindi rin kami gaano pinapagamit ng phone gawa ng maraming tawag mula sa mga tao sa munisipyo. Kumusta ka? Sila tita? Dumadami ang naggugulo sa may bandang Espanya. Sabi ni daddy, nanghuhuli na rin ng mga nasa labas pa pagkatapos ng curfew. Mag iingat kang palagi, magkita na lang tayo ng miyerkules pagkatapos ng klase.

Mahal kita,

Lia

November 30, 1972

Lia,

Mahal, nabalitaan mo na ba? Hindi pa rin umuuwi si Mateo sa kanila. Nakakapagalala lang kasi huling kita ko sa kanya nung magkakasama pa tayo noong Martes. Kasama ata siya sa mga nag organisa ng protesta sa campus kahapon. Natatakot ako, mahal pero mas nakababahala ang mga nangyayari. Nakakabahalang manahimik na lang sa gitna ng lahat ng nangyayari. Kapag hindi pa umuwi si Mateo bukas, baka ako na mismo maghanap sa kanya. Magpapasama na lamg ako kay Obet. Magtatanong tanong din ako sa mga kakilala ko sa mga nagpoprotesta.

Nagmamahal,

Adonis.

December 3, 1972

Mahal ko,

I tried calling last night pero umalis ka raw. Is everything okay? Narinig ko sa daddy na 18 na raw ang nawawala na mga taga-UP. Nag iingat ka ba? Nag aalala ako bigla sa’yo. Si Mateo, nakauwi na ba? Susubukan kong manghingi ng tulong kay daddy kung kayang magtanong sa mga pulis kung kasama si Mateo sa mga nahuli. Nalaman ko ring buntis si mommy. Bago ako bumaba sa kusina kanina, naririnig kong naguusap sila tungkol sa pag punta namin nila mommy at naming magkakapatid sa States para hindi malagay sa alanganin ang pagbubuntis niya.

Ayaw kong umalis, Adonis. Ayaw kitang iwanan dito.

Ano sa tingin mo’t magtanan tayo? Let’s leave this chaos. You and me. Wala iisiping iba, walang pagsasabihan kung nasaan tayo. Tatakbo tayo papalayo.

Think about it.

I love you.

Lia

December 14, 1972

Mahal ko,

Pinagisipan kong mabuti. Makabubuti ngang hindi tayo magtanan. I’m sorry for the way I reacted. Akala ko kasi pinakamabuti na para sa atin ang takasan na ang lahat ng problema. Akala ko ayun ang solusyon para malayo tayo sa gulo na nangyayari sa Pilipinas ngayon.  Ayaw ko lang kasing malagay sa peligro ang buhay mo kaya hindi ko gustong sumama ka sa mga welga welga na β€˜yan. Pero, sino ba ako para mapigilan ka? Hindi ko hahadlangan ang mga ninanais mo pero mahal, hindi ko alam kung anong gagawin ko kapag nawala ka.

Mahal iniisip ko rin kung kumusta ka, pagkatapos nating bumisita kina Mateo. How I wish I could just take away all your pain. Pero batid ko panahon lang ang makakapag hilom ng mga sugat na iyan. I lit a candle for Mateo.

Mommy asked me about you Tinanong niya kung kumusta ka na gawa nang matagal ka nang hindi bumibisita rito. Nagaalala rin sila sa iyo. Gusto mo bang bumisita bago umalis sina mommy at ang mga kapatid ko? Pwede ka namin sunduin ni daddy. Baka umalis sila ng 27 pagkatapos magpasko. Pwede ka bang umalis sa 20 o 21, o may lakad kayo noon? Kung gusto mo ipaalam kita kanila tito.

Hindi na ako makapaghintay na makita ka ulit, mahal.

Lia

December 20, 1972

Mahal,

Pagpaumanhin mo at hindi ako agad nakasagot sa sulat mo. Narinig ko’y tumawag ka ulit nung nakaraan pero wala ako sa bahay. Sinubukan kong tumawag sa inyo pero hindi ako makapasok sa linya. Naisip ko’y baka abala ang daddy mo sa pagsagot ng mga mahahalagang tawad. Nanggaling din kasi ako sa pulong kasama sina Obet. Nagkaraoon kami ng mga diskusyon tungkol sa kasaysayan ng pilipinas at ng kasaysayan ng pakikibaka. Matutuwa ka mahal kung maririnig mo ang mga inaaral namin at maliliwanagan ka sa pagkakatahi nito sa mga ibang isyung panlipunan. Na hindi lang pala tayo sa syudad ang nakararanas ng kahirapan. Ang galling na rin mag turo ni Obet, siya ang nagturo tungkol sa kalagayan ng mga magsasaka sa ilalim ng pamumuno ni Marcos. Lubos akong naresolba na tama nga ang mga pinaglalaban nila, o namin kung ibibilang ko ang sarili ko. Nakapag desisyon na rin akong sumama, mahal, sa mga lumalaban.

Sa tanong mong sino ka para pigilan ako, mahal ko, hindi ba’t mas tanong ay bakit ako titigil sa mga pinaglalaban ko kung ikaw ang isa sa pinakamalaking inspirasyon ko? Mahal, walang mas tatamis na pagmamahal kaysa sa pakikiisa ko para mapalaya ang bayan. Para sa atin. Gusto ko pa nga’y makasama ka sa akin sa laban na ito pero alam kong tali ka rin dahil ang tatay mo’y nagtatrabaho sa munisipyo. Huwag kang mag-alala mahal, titigil din ang lahat ng ito. Pasensya na pala’y hindi ako nakapunta sa paanyaya mong pumunta riyan sa inyo. Huli na rin nang makapagsabi ako ng oo, at maliban doon ay marami kaming gawain para sa darating na bagong taon. Naipaintindi ko na rin kina tatay at nanay ang ginagawa ko. Hindi naman kami mayamang pamilya, Lia, kaya siguro’y walang ibang pagpipilian kundi ang lumaban. Payo lang nila’y mag iingat ako palagi.

Ikaw, mahal, kumusta ka? Sana’y matapos ko ang mga dapat tapusin para makapagkita tayo kahit pagkatapos ng pasko. Hindi na rin ako makapaghintay, mahal, na makita kang muli at mayakap.

Mahal na mahal kita.

Adonis


December 24, 1972

Adonis,

Mahal.

Maraming bumabagabag sa isip ko.Naghahalong takot at kaba dahil sa kawalan ng kasiguraduhan sa mga maaring mangyari sa atin at sa iyo pero napapanatag ako sa ideya dahil naunawaan nga ito ng magulang mo, paano pa kaya ako? Siguro mas mauunawaan ko kung maipapaliwanag mo siya sa akin nang magkaharap tayo. Sa ngayon siguro, tulad ng mga sinabi ng mga magulang mo, paalala ng pag iingat palagi lang ang masasabi ko. Gusto mo bang sumama sa paghatid kina mommy sa airport? Sa 28 ang alis nila. Ihahatid ka na lang namin pabalik. Para rin makapagkita na tayo.

Maayos naman kami dito, mahal. Medyo abala lang rin dahil sa preparations para sa pasko. Maraming bibisitang kamag-anak eh. Marami rin palang kasabay si mommy papuntang States. Ipagtatabi kita ng leche flan at fruit salad para ibigay sa iyo pagkita natin. Iniisip ko rin pala mahal kung saan ako mag pa-practicum. Sabi ng daddy ay sa munisipyo na lang daw eh parang gusto ko nga’y medyo malapit d’yan sa Diliman para kahit papano mas madalas tayong makakapag kita.

Ikaw, ano sa tingin mo dito?

Nagmamahal

Lia

December 30, 1972

Lia,

Marami akong nais sabihin sa iyo. Pero uunahin ko muna ang mga salitang β€˜mahal kita’. Kung may isang tiyak man sa mundo ng kawalan ng kasiguraduhan, iyon ay ang pagmamahal ko sa iyo. Ramdam na ramdam ko β€˜yun paglabas mo pa lang sa pintuan noong tinawag kita sa mula sa labas ng bahay ninyo. Alam kong ikaw ang pinakamagandang taong nasilayan ko sa mundong ito.

Ikalawa’y masayang masaya ako na nauunawaan mong mabuti kung ano ang mga pinaglalaban ko at nauunawaan mo rin kung na isa ka sa mga kinukuhanan ko ng lakas para lumaban pa. Hindi na ako pinipilay ng kalungkutan mula sa pagkakapanaw ng matalik kong kaibigan; mas naiipo-proseso ko ang mga emosyon ko para makatugon sa mga mas produktibong bagay.

Pangatlo at huli, naalala mo bang ang binanggit ko sa’yo? Na nais kong maglaan ng buong oras sa pag oorganisa ng kilusan? Naigpawan ko na ang mga kontradiksyon at mas handa na ako ngayon. Gusto kong sabihin sa’yong tutuloy na ako.

Lia, isa sa mga panata ko na hindi ko sinasabi sa’yo ay gusto kong sumpaan ang pagmamahal ko sa iyo bago ito lahat. Isa sa mga kontradiksyon ko para kumilos ay kung paano tayo? Paano magpapatuloy ang pagmamahalan nang hindi tayo nagtatagpo o nang malayo tayo sa isa’t isa. Ngunit mas nanaig ang mga alaala ko na kung paano tayo pinagtitibay ng mga pagkakataong nasusubok ang ating relasyon. Mahal ko, sigurado akong ikaw ang babaing nais kong makasama sa haba o ikli pa ng aking buhay. Pinupuno mo ng galak at pag-ibig ang aking puso.

Kalakip ng liham na ito ay isang singsing. Suotin mo ito hanggang sa panahong magkikita tayong muli.

Lia, ikaw ang mangingibabaw na musika sa gitna ng ingay ng gulo. Ikaw ang tahanan ko. Uuwi at uuwi ako sa’yo, mahal.

Hanggang sa pagkikita nating muli,

Adonis



June 29, 1987

Adonis,

Mahal. Kumusta?

Bumalik na sina Mommy dito, for good. Ang laki na ng mga kapatid ko. Nakakatuwa. Kaso mga English-speaking na. Hindi ko rin alam bakit hindi man lang sinanay ni Mommy na mag-Tagalog itong mga ito.

Hindi ko pa rin alam kung paano mo nakakayanang hindi mapagod ang katawan sa pagoorganisa sa umaga at pagpupulong sa gabi. Mag iilang taon na ay hindi pa rin ako nasasanay. Parang sa ganitong set-up natin. Hindi pa rin ako sanay nang hindi ka kasama.

Ramdam ko pa rin naman ang pagmamahal mo. Sa mga kasama. Sa mismong pagpapatuloy ng kilusan.

Mahal, pinanghahawakan ko pa rin ang mga sinabi mo noong magiging maayos din ang lahat. Sana kasama kita ngayon. Sa pagsalubong ng mga umaga at pamamaalam sa mga gabi.

Nami-miss na kita.

Bisitahin mo naman ako sa panaginip.

Nagmamahal,

Lia.


Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started